(Mula Noon Hanggang Ngayon)
Wika, ito ay nagsisilbing panimula at katapusan ng
bawat salita ng ating bansa. Madalas ihalintulad sa isang bukang liwayway na
nagbibigay pagkakakilanlan ng pagka Pilipino saan mang dako ng mundo. Kung minsan
naman, isang dapit hapon na nagpapatunay sa magandang pagkakaugnayan ng bawat
tao. Ngunit kahit ano pa man ang ihahambing sa wika, hindi maikakaila na ito’y
ating sandata upang mapunan ang pakikipagtalastasan sa araw-araw at magbigay
daan sa pagkakataon na malinang ang ating mga kakayanan. At kasabay ng
pag usbong ng panibagong henerasyon, ang pagkakaroon ng panibagong bihis ng mga
salitang naririnig at ginagamit ng tao sa pakikipag usap. Gayunpaman,may
mga salitang mananatili mula noon hanggang sa kasulukuyan gaya na lamang ng
paboritong ulam ng ating Pambansang Bayaning si Jose Rizal.
Unang una sa
listahan ang ginisang munggo, ang gulay na halos palaging makikita sa bawat
karinderyang Pilipino. Likas na napakasarap at punong puno ng sustansya na maluluto
kahit sa mababang halaga. Ang pagkaing ito ay nakakatulong sa pagpapalusog ng
ating puso dahil sa taglay nitong bitamina at walang taglay na kolesterol.
Tinola rin ang
isa sa paboritong ulam ng ating pambansang bayani na isa ring paboritong
pagkain ng mga Pilipino magpahanggang ngayon dahil sa pinoy na pinoy na sarap
na taglay nito. Malinamnam ang sabaw nito na may pinaghalo halong manok
(native), hiniwang papaya at dahon ng siling labuyo na pinalasa ng mga sangkap
na luya, patis at sibuyas.
Mangga ang
paboritong prutas ni Rizal na siya ring pambansang prutas ng Pilipinas. Likas
na paborito itong panghimagas ng mga Pilipino dahil sa tamis at sustansyang
taglay ng prutas na ito. Sa lugar ng Guimaras sa Kanlurang Bisaya matatagpuan
ang pinakamatamis na mangga sa buong mundo.
Kung ihahambing
sa kasalukuyan, ang mga pagkaing ito ay tulad ng sa wika na nagbabago ng timpla
at lasa. Kung minsan pa nga'y nadadagdagan ng mga panibagong sangkap upang
maging kaakit-akit at patok sa panlasa ng mga Pilipino. Pero kahit ganoon
paman, isa lang ang sigurado, ang wika at pagkain ay pinagsamang sangkap na
mananatili sa ating mga puso habang tayo ay nabubuhay sa mundo. Dahil ang mga
Pilipino ay likas na mahilig kumain kasabay ang kanikanilang mahal sa buhay.
Kahit na anumang ihanda sa hapag kainan bastat nagsama sama at sabay sabay
nakikipag usap sa bawat myembro ng pamilya, itinuturing na itong isang
napakalaking biyaya.
Article by: Jolex Del Ayre