Sunday, July 31, 2016

Wika at Pagkain

                                                                                                                                             (Mula Noon Hanggang Ngayon)

Wika, ito ay nagsisilbing panimula at katapusan ng bawat salita ng ating bansa. Madalas ihalintulad sa isang bukang liwayway na nagbibigay pagkakakilanlan ng pagka Pilipino saan mang dako ng mundo. Kung minsan naman, isang dapit hapon na nagpapatunay sa magandang pagkakaugnayan ng bawat tao. Ngunit kahit ano pa man ang ihahambing sa wika, hindi maikakaila na ito’y ating sandata upang mapunan ang pakikipagtalastasan sa araw-araw at magbigay daan sa pagkakataon na malinang ang ating mga kakayanan. At kasabay ng pag usbong ng panibagong henerasyon, ang pagkakaroon ng panibagong bihis ng mga salitang naririnig at ginagamit ng tao sa pakikipag usap. Gayunpaman,may mga salitang mananatili mula noon hanggang sa kasulukuyan gaya na lamang ng paboritong ulam ng ating Pambansang Bayaning si Jose Rizal.

Unang una sa listahan ang ginisang munggo, ang gulay na halos palaging makikita sa bawat karinderyang Pilipino. Likas na napakasarap at punong puno ng sustansya na maluluto kahit sa mababang halaga. Ang pagkaing ito ay nakakatulong sa pagpapalusog ng ating puso dahil sa taglay nitong bitamina at walang taglay na kolesterol.

Tinola rin ang isa sa paboritong ulam ng ating pambansang bayani na isa ring paboritong pagkain ng mga Pilipino magpahanggang ngayon dahil sa pinoy na pinoy na sarap na taglay nito. Malinamnam ang sabaw nito na may pinaghalo halong manok (native), hiniwang papaya at dahon ng siling labuyo na pinalasa ng mga sangkap na luya, patis at sibuyas.

Mangga ang paboritong prutas ni Rizal na siya ring pambansang prutas ng Pilipinas. Likas na paborito itong panghimagas ng mga Pilipino dahil sa tamis at sustansyang taglay ng prutas na ito. Sa lugar ng Guimaras sa Kanlurang Bisaya matatagpuan ang pinakamatamis na mangga sa buong mundo.

Kung ihahambing sa kasalukuyan, ang mga pagkaing ito ay tulad ng sa wika na nagbabago ng timpla at lasa. Kung minsan pa nga'y nadadagdagan ng mga panibagong sangkap upang maging kaakit-akit at patok sa panlasa ng mga Pilipino. Pero kahit ganoon paman, isa lang ang sigurado, ang wika at pagkain ay pinagsamang sangkap na mananatili sa ating mga puso habang tayo ay nabubuhay sa mundo. Dahil ang mga Pilipino ay likas na mahilig kumain kasabay ang kanikanilang mahal sa buhay. Kahit na anumang ihanda sa hapag kainan bastat nagsama sama at sabay sabay nakikipag usap sa bawat myembro ng pamilya, itinuturing na itong isang napakalaking biyaya.


Article by: Jolex Del Ayre